(Siyudad ng Taguig). Ngayong naisaayos na ang pasilidad ng Malampaya natural gas field, tiniyak naman ng Department of Energy (DOE) sa publiko na mananatili itong naka-matyag sa epektong maidudulot sa mga consumers ng pansamantalang pagkasara ng naturang pasilidad.
Tinitingnan na rin ng DOE ang posibilidad na mapanatili ang patakarang ‘no-pass on’ sa mga consumers.
“Our mission is to ensure that scheduled Malampaya maintenance shutdown will have a minimal effect to consumers,” ani Energy Secretary Alfonso G. Cusi.
Ayon kay Cusi, matagumpay ang itinakdang maintenance shutdown ng Malampaya plant nitong Enero 28-Pebrero 16, at aniya ay isang patunay sa patuloy na reliability, stability at efficiency ng pasilidad.
“The preventive measures we’ve put in place relative to the Malampaya shutdown, such as, ensuring availability of the alternative liquid fuel to run the natural gas power plants (NGPP), have averted the possibility of power supply deficiency. We have experienced normal power situation all throughout the course of the maintenance activity,” giit pa ni Sec. Cusi.
Nakikipagugnayan na rin ang DOE sa mga concerned power generators at sa Manila Electric Company (MERALCO) upang hindi gaanong maramdaman ang dagdag na singil sa kuryente dahil sa mataas na presyo ng ginamit na likidong panggatong sa pagpapatakbo ng mga naapektuhang mga planta.
Ayon sa MERALCO, ang kompyutasyon ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa incremental liquid fuel cost na PhP0.66/kilowatt-hour ay mas mababa sa inisyal na estimate na PhP0.92/kwh. Upang maibsan ang dagdag na pasanin ng mga consumers, ini-report din ng MERALCO na inaprubahan ng ERC ang kanilang petisyon na hati-hatiin ang pagsingil ng dagdag na halaga sa hanggang tatlong buwan simula ngayong Marso.
“We are still keen on looking for ways on not to pass on to the consumers the incremental cost brought by the shutdown. We are planning to hold a conference among those involved to address a no pass-on policy,” pagbibigay diin ni Sec. Cusi.
Sinabi ni Cusi na may limang (5) planta ng natural gas na nasa Batangas ang dumedepende sa Malampaya Gas-to-Power Project, kabilang dito ang, Sta. Rita (1,000 MW), San Lorenzo (500 MW), Ilijan (1,200 MW), Avion (97 MW) at San Gabriel (414 MW).
Samantala, nagabiso naman ang DOE sa publiko na tiyakin ang kanilang mga kableng dinadaluyan ng kuryente at mga kagamitang de-kuryente bilang pag-iingat alinsunod sa paggunita ng Fire Prevention Month.
“Paalala po sa ating mga Maybahay at Tatay, maaari po nating i-check ang ating mga electrical wiring system at mga appliances para makaiwas sa anumang sakuna dulot ng kuryente,” payo pa ni Sec. Cusi.
Hinihikayat din ni Sec. Cusi ang ating mga kababayan na patuloy ang pagsasagawa ng energy efficiency at conservation practices, dahil malaki ang tulong nito tuwing magkakaroon tayo ng kahit anong power supply situation.
###